Pulis patay, 5 sugatan dahil sa pananambang ng NPA sa Northern Samar

 Nasawi ang isang pulis at lima ang sugatan sa pananambang ng komunistang teroristang grupo na New People’s Army sa Las Navas, Northern Samar, noong Lunes, Abril 4. Photo: Northern Samar Police Provincial Office

TACLOBAN CITY – Isang pulis ang nasawi at lima naman ang sugatan kasama na ang tatlong sundalo dahil sa pagsabog ng landmine sa pananambang ng rebeldeng grupong New People's Army (NPA) noong Lunes ng madaling araw, Abril 4, sa Bayan ng Las Navas sa Northern Samar.

Ang pulis na nasawi at ang mga sugatan ay mga miyembro ng isang Community Service Program (CSP) team ng 1st Northern Samar Police Mobile Force Company, at ng 20th IB ng Philippine Army, na nakabase sa Brgy. Osang sa Catubig, Northern Samar.

Pinagangasiwaan ng nasabing grupo ang pagpapatupad ng programang parte ng "Support to the Barangay Program" ng gobyerno kasama ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).

Ayon sa ulat, bago mangyari ang pananambang ay nasa punong-tanggapan sila ng 20th IB para sa isang aktibidad noong Linggo, Abril 2, ngunit pagkatapos ng kaganapan, ang ilan sa kanila ay naiulat na nagpasya na kumuha ng kanilang mga booster shot sa bayan ng Las Navas.

Bandang ala una ng madaling araw noong Lunes, ang grupo mga pulis at sundalo ay naglakad sa Brgy. San Miguel, patungo sa bayan ng Las Navas, nang magsagawa ng sorpresang pag-atake ang mga hinihinalang miyembro ng New People's Army (NPA) at pinasabog ang ilang improvised explosive device (IEDs).

Ang mga pagsabog ay nagresulta sa pagkamatay ni Pat. Harvie Cortez Lovino, 30 taong gulang at may asawa, at residente ng San Isidro, Northern Samar.

Nagresulta din ito sa pagkasugat ng mga pulis na kinilalang sina Pat. Rico Borja at Pat. Leandro Bulosan, kapwa nakatalaga sa 1st NSPMFC sa Catarman, Northern Samar.

Gayundin, 3 sundalo na bahagi ng CSP team ang nasugatan din sa insidente, na kinilalang sina: CPL. Arvin Papong, PFC Whilydel Rodona at PFC Wilmer Del Monte, pawang mga miyembro ng 20th Infantry Battalion ng Philippine Army.

Lahat ng mga sugatang trooper ng gobyerno ay agad na dinala sa Catarman Doctors Hospital para magamot.

Ang reinforcing troops ng gobyerno ay kasalukuyang sinusuri ang lugar, at nagsasagawa ng pursuit operations, habang ang SOCO at PNP-EOD ay hiniling na iproseso ang lugar.

Kinokondena naman ng Police Regional Office 8 sa ilalim ng pamumuno ni PBGEN Bernard Banac, Regional Director ang pagtatanim ng Anti-Personnel Mine (APM) ng mga rebeldeng grupo sa Las Navas, Northern Samar na nagresulta sa pagkasawi ni Patrolman Harvie Lovino at pagkasugat ng limang iba pa.

Pagpapakita umano ito ng kawalang respeto sa karapatang pantao ng mga rebeldeng grupo, at kanilang pagsira sa kapayapaan sa Northern Samar.

"Kailanman ay hindi matitinag ang PNP at AFP sa ganitong mga atake ng mga Rebeldeng grupo, at mas paiigtingin pa naming ang aming mga operayon laban sa insurhensiya at kriminalidad sa buong rehiyon ng Silangang Bisayas," ayon sa PRO-8.—taklub.com
Taklub.com

Taklub.com's goal is to provide our audience with the latest news, trends, and insights in technology and digital lifestyle. We are passionate about the intersection of technology and our daily lives and strive to bring that to the forefront of our content.

Post a Comment

Previous Post Next Post